Monday, April 28, 2008

ang naudlot na zoo

"Pati ba naman sa pusa takot ka?"

"Hala, hindi ka makakain niyang asong iyan!"

"Nakakatawa talaga ito, hindi naman makakalabas iyang isda sa aquarium."

Oo, inaamin ko takot ako sa hayop. Oo, kahit na anong hayop takot ako.

Pero alam mo ba, noong bata ako, muntik nang maging zoo ang bahay namin. Sige na nga, medyo eksaherado naman ito, pero sa dinami dami ng aming mga alagang hayop, medyo malapit na rin ang pagsasalarawan ko.

Naalala ko na nagkaroon kami ng apat na aso. At dahil hindi ako marunong kumilatis ng uri ng aso, at hindi rin naman ako mahilig magtanong noon, iisa lamang ang naalala ko, iyong dalmatian. Mayroon din pala kaming isang aso na naging kaclose ko. Naaalala ko na isang araw, habang nagpapalatastas sa tv, lumapit ako sa kanya at pinasubo ang kamay ko. Hindi ko na maalala kung bakit ko pinasubo sa kanya ang kamay ko. Malay ko ba naman na ang balak pala nito ay hindi na pakawalan ang aking kamay?

Nagkaroon din kami ng hamster. Isang gabi, habang madilim ang kuwarto, bumulagta sa akin ang cage niya... wala na siya. Lumayas kaya? Nang lumaon ay umugong ang bali balita na nakipagtanan siya sa pusa ng aming kapitbahay.

Nagkaroon din kami ng rabbit. Sa lahat ng mga alaga namin, ang rabbit na ito ang medyo sikat sa akin. Siya lang ang natatandaan ko ang pangalan. Jelly. Black na may gray ang kulay niya. Mahilig siya sa carrots. Mabait siya. Tahimik. Ngunit isang araw, habang mainit ang panahon, bigla na lamang siyang nanigas. Naisip kong isawsaw ang buo niyang katawan sa tubig o di kaya ay ipasok siya sa freezer at pagkatapos pag labas ay matutunaw ang lamig niya parang yelo at babalik na rin siya sa dati pero huli na ang lahat.

Nagkaroon din kami ng gold fish. Galing pa siya sa Baguio. Ang tanda ko ay orange ang kulay niya. Hindi ako nakatoka sa pagpapakain sa kanya, taga bili lamang ako. Paano kasi, takot nga ako na baka lumabas siya sa aquarium at kagatin ako.

Nagkaroon din kami ng lovebirds na kung hindi ako nagkakamali ay pakana ko. Nainspire kasi ako sa laruan kong parrot na nagsasalita. Kaya akala ko, lahat ng mga ibon ay nagsasalita. Ngunit sina lovebirds ay hindi nagsalita. Nagtukaan lamang sila.

Nagkaroon din kami ng mga pato. Oo, ducks. Sila ay pinalayas ng aking yaya noon dahil akala niya ay hindi sa amin iyon. Paano kasi, bago pa lamang siya noon.

Walang nagtagal sa mga alaga naming ito. Inisip ko na lamang na hindi talaga inilaan ng tadhana na magkasamasama kami nang matagal.

Bagaman at hindi ko na alam ang mga pangalan nila, minahal ko sila. Naging bahagi sila ng aking kabataan. Naroon sila noong mga panahong wala akong kalaro dahil inaaway ako ng aking mga kaklase noong kinder. Naroon sila noong busy ang yaya ko sa pakikipag-eye-to-eye sa kanyang crush.

Siguro sila ang dahilan kung bakit takot na ako sa mga hayop ngayon.

Takot na akong mapalapit sa kanila. Siguro kasi, sa kasuluksulukan ng aking damdamin, natatakot ako na baka kapag naging malapit ako sa kanila, muli na naman silang kunin sa akin.

Ewan ko ba.

Gusto ko lamang sabihin na hindi dahil sa takot ako sa mga hayop ay ayoko na sa kanila. Mabait ako. Sabi ko. Sabi rin nila.

Ahhhhh basta, tatapusin ko na ito para kumain ng hipon. Hindi ako takot sa hipon. Masarap ang hipon. Oo, totoo. Oo, gutom na ako.

No comments: